Mababasa sa artikulong ito:
- Sintomas ng autism sa baby.
- Treatments na maaring gawin sa mga batang may autism.
Ano ang autism?
Ayon sa Center for Disease Control and Prevention o CDC, ang autism spectrum disorder o ASD ay isang developmental ability na maaaring magdulot ng significant changes sa kung paano makipag-socialize, makipag-communicate o mag-behave ang isang tao.
Para naman sa World Health Organization o WHO, ang mga palatandaan ng autism ay madalas na agad na made-detect sa murang edad ng isang bata. Bagama’t ito rin ay maaring lumabas kinalaunan sa pagdaan ng taon o habang siya ay lumalaki na.
Base nga sa estimated data, tinatayang isa sa kada 54 na bata sa mundo ay may autism. Mas madalas umano itong nararanasan ng mga batang lalaki kaysa sa mga babae.
Maraming posibleng dahilan kung bakit nagiging autistic ang isang bata. Ito ay maaaring dahil sa genetics, chromosomal conditions, medications at health condition ng ina habang ipinagbubuntis ang isang bata o birth complications noong ipinganganak niya na ito.
Sintomas ng autism sa baby
Ayon sa mga eksperto ang sintomas ng autism ay madalas na makikita sa unang dalawang taon ng buhay ng isang bata. Ito ay napakahalaga.
Sapagkat ang early detection ng kondisyong ito ay makakatulong para mabigyan ng early treatment ang isang batang nakakaranas nito. Upang sa kaniyang paglaki ay hindi labis na maapektuhan ng kondisyon ang buhay o kinabukasan niya.
Base sa mga pag-aaral at pahayag ng mga eksperto, narito ang mga sintomas ng autism sa baby na maaaring mapansin. Pati na ang rekumendasyon na maaaring gawin upang matulungan siyang harapin ang nararanasang kondisyon.
Rekumendasyon ng American Academy of Pediatrics, lahat ng sanggol ay dapat dumadaan sa developmental screening sa kanilang ika-9,18 at 30 month ng buhay. Lalo na kung sila ay nagpapakita ng mga sumusunod na sintomas ng autism sa baby o maliliit na bata.
Baby photo created by freepic.diller – www.freepik.com
1. Hirap mag-maintain ng eye contact.
Ang mga sanggol ay nagsisimulang matutong magkaroon ng eye contact o ma-locate ang mga mukha ng mga taong nakikita nila sa oras na sila ay magdalawang buwan na. Kung ang isang sanggol ay hindi ito nagagawa o mas less ang eye contact, indikasyon ito na maaaring siya ay may autism na.
2. Hindi pagtuturo o pagsunod sa mga bagay na nakikita niya.
Isa pang sintomas ng autism sa baby ay ang hindi pagtuturo o pagsunod ng mata ng sanggol sa mga bagay o taong nakikita niya. Sapagkaty ayon sa mga eksperto, ito ang earliest form nila ng communication o pakikipag-usap na madalas na ipinapakita ng mga sanggol kapag sila ay 14 months old na. Kung hindi nila ito nagagawa, ito ay indikasyon ng language delay na palatandaan ng autism sa bata.
3. Reduced emotion o hindi pagpapakita ng emosyon sa kanilang mukha.
Ayon sa mga pag-aaral, ang hindi pagpapakita ng facial expressions ay isa mga sintomas ng autism sa baby. Sapagkat isang uri ito ng non-verbal way ng pakikipag-communicate na isa sa mga skills na hirap ang isang batang may autism.
4. Hindi pag-respond o pag-react sa tuwing tinatawag ang pangalan nila.
Sa oras na mag-6 na buwan ang isang sanggol ay dapat marunong na itong mag-react o mag-respond sa tuwing tinatawag ang pangalan niya.
Maaaring ito ay sa pamamagitan ng pag-ngiti o pag-iiba sa kaniyang facial expression. Kung lumampas na siya sa anim na buwan at hindi pa rin ito nagagawa, indikasyon din na ito na maaaring siya’y may autism.
BASAHIN:
Can the MMR vaccine cause autism in kids? Here’s the real truth
Ang mga dapat mong malaman at asahan sa development ng iyong anak
STUDY: Pagiging masyadong matakaw ng bata, maagang senyales ng autism
5. Hindi paggaya sa mga tunog na naririnig o facial expresions na nakikita niya.
Sa edad na anim na buwan ay dapat ding may mga naggagaya ng tunog sa kaniyang paligid ang isang sanggol. Ganoon din ang paggaya ng mga facial expressions ng mga tao sa paligid niya. Kung hindi ito ay palantaan na maaaring may autism siya.
6. Language o speech delay.
Ang mga sanggol ay normal ng nakakapagsabi ng ilang salita kapag sila ay nag-isang taong gulang na. Kung ang isang sanggol ay lagpas 16 months na o kaya naman hirap paring magbanggit ng two-word phrases kahit sila ay dalawang taong gulang na.
Mabuting ipakonsulta na siya sa isang doktor. Sapagkat ang autism madalas na natutukoy kung may language o speech delay ang isang bata.
7. Regression o biglang pagkawala ng skill na minsan ng ipinakita ng sanggol.
Isa pang sintomas ng autism sa baby ay ang biglang pagkawala ng skills na minsan niya ng natutunan o ipinakita. Tulad na lamang ng biglaang kawalan niya ng pagkakaroon ng eye contact, pag-bababble o pagbabanggit ng mga salita, o kaya naman ay pagtuturo sa mga bagay sa paligid niya. Kung ang mga ito ay biglang napansin sa isang sanggol, mabuti ring dalhin siya sa doktor para maipakonsulta.
Baby photo created by asier_relampagoestudio – www.freepik.com
8. Hindi paglalaro ng “make-believe” o imaginative game.
Ang isang bata sa edad na 18 buwan o 1 ½ year old ay mahilig ng maglaro ng mga imaginative games o play. Tulad ng sila ay ang isang adult na nakikipag-usap sa telepono o kaya naman ay pagsusuot ng sapatos. Kung ang skill na ito ay na-delay sa isang bata, may tendency na siya ay may ASD o autism spectrum disorder.
May lunas ba ang autism?
Sa kasamaang palad, walang lunas o cure ang autism. Bagama’t may mga treatments na maaaring gawin para matulungan silang kumilos o mabuhay pa rin ng normal tulad ng ibang bata.
Napakahalaga rito ang early detection. Sapagkat kung agad na matutukoy na may autism ang isang sanggol ay maaari na siyang magsimulang sumailalim sa treatment therapy.
Sa ganitong paraan ay matuturuan siya ng mga skills na hindi niya nagagawa na napakahalaga sa pabago-bagong mundong ginagalawan niya.
Ang mga treatments na maaaring makatulong sa batang may autism ay ang sumusunod na nakadepende sa sintomas na ipinapakita niya.
- cognitive behavioral therapy
- joint attention therapy
- behavior management therapies
- social skills training
- speech therapy
- physical therapy
- occupational therapy
- medication
- educational interventions
- nutrition therapy
Baby photo created by rawpixel.com – www.freepik.com
May paraan ba kung paano maiiwasan ang autism?
Wala ring paraan kung paano maiiwasan ang autism. Bagama’t malaking bagay kung magiging malusog o healthy ang isang babae habang nagbubuntis.
Kung mayroong anak na may autism ay hindi mo dapat sisihin ang iyong sarili. Bagkus ay dapat mong palakasin ang iyong loob para matulungan siya.
Magagawa mo ito sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa ibang magulang na may parehong nararanasan. Pagbabasa ng mga resources tungkol sa autism para mas magkaroon ng kaalaman sa kondisyon.
Makakatulong din kung magbabasa ka o matututo ng mga stress management techniques. Ito ay para manatili kang healthy dahil sa kailangan ka ng iyong anak. Ang iyong pagmamahal at suporta ay napaka-halaga para sa kaniya.
Sources:
Healthline, Mayo Clinic, WHO, CDC
The post 8 signs na maaaring may autism ang baby appeared first on theAsianparent Philippines: Your Guide to Pregnancy, Baby & Raising Kids.