Saan ginagamit ang aceite de alcamporado at ano ang pinagkaiba ng aceite de alcamporado sa aceite de manzanilla?
Ano ang pinagkaiba ng aceite de alcamporado sa aceite de manzanilla?Ang aceite de alcamporado ay isang uri ng essential topical oil na gawa sa active ingredient na kung tawagin ay camphor. Ito ay kulay dilaw o minsan din ay puting langis na isa sa mga hindi nawawala sa mga gamit ng bagong panganak na sanggol dito sa Pilipinas.
Dahil ayon sa matatanda ang paglalagay umano nito sa bunbunan at talampakan ng isang sanggol tuwing sasapit ang gabi o alas-6 ng hapon ay mabisang proteksyon laban sa sipon.
Habang ang aceite de manzanilla naman ay isang anti-flatulent o ang kulay berdeng langis na hindi rin nawawala sa mga gamit ng bagong panganak na sanggol. Ito naman ang ipinapahid sa tiyan ng sanggol upang hindi ito umano malamigan at sa tuwing kinakabagan.
Saan ginagamit ang aceite de manzanilla?Ang aceite de manzanilla ay gawa sa active ingredient na chamomile oil. Ito ang isa sa mga essential oil na ipinapayong ligtas sa mga sanggol. Maliban sa ito ay pinaniniwalaang gamot sa kabag ng mga nagmamaktol na sanggol, ito ay nagtataglay rin ng antimicrobial at antioxidant properties. Ang mga ito ay pinaniniwalaang nakakatulong upang palambutin ang plema at ma-decongest ang airway o dibdib ng isang sanggol na may ubo at sipon.
Para din sa mahimbing na tulog sa gabi, ipinapayo ang pagpapahid ng manzanilla sa sintido ng isang sanggol. Ganoon rin sa mga bata at matatanda dahil sa ito ay may cooling at nakaka-relax na effect.
Image from Amapola Herbs
Ayon nga sa isang 2013 study, ang chamomile na active ingredient ng manzanilla ay nakakatulong upang maibsan ang anxiety at depresyon. Dahil pinapakalma nito ang mga ugat at pinapababa ang anxiety levels ng katawan.
Dahil sa mentol na amoy nito, ang manzanilla ay sinasabing mabisa rin upang malunasan ang pagkahilo at pagkaduwal. May positibong epekto rin ito sa balat na nakatutulong upang malunasan ang panunuyo o pagbabakbak nito.
Nakakaalis rin umano ito ng kati at mga rashes sa katawan. At pinaniniwalaang nakakatulong upang maiwasan ang bacterial infection.
Saan ginagamit ang aceite de alcamporado?Ang aceite de alcamporado naman ay isang counter-irritant. Ito ay gawa sa active ingredient na kung tawagin ay camphor na may sumusunod na benepisyo.
Kapag pinahid sa balat, ito ay nagdudulot ng numbness o pamamanhid sa sensory nerve endings na nakakatulong upang maibsan ang pananakit, pamamaga at pamumula ng balat. Tulad ng mga irritated symptoms na ipinapakita ng sakit sa balat na kung tawagin ay eczema.
Mabisa rin umano itong gamitin bilang muscle rub. Dahil naiibsan rin nito ang mga muscle spasms, cramps at stiffness. Ito ay dahil sa antispasmodic at relaxant properties nito ayon sa isang 2004 study.
Kung ihahalo naman sa tubig ay makakatulong rin ito upang maibsan ang pangangati at pamumula ng mga rashes sa katawan. Pinaniniwalaang nakakatulong rin ito sa pagpatay ng mga fungus sa kuko.
Ang amoy ng camphor ay nagdudulot rin ng calming effect sa ating utak na nakakatulong sa pagkakaroon ng mahimbing sa tulog sa gabi.
Isa rin itong decongestant na nakakatulong upang maibsan ang ubo at throat congestion. Kailangan lang ay ipahid ito sa likod at dibdib.
Ang pag-aapply nito sa anit ay pinaniniwalaang mabisang paraan rin upang ma-promote ang hair growth at paghaba ng buhok.
Kaya rin nito umanong patayin at tuluyan ng paalisin ang mga head lice o kuto sa ulo.
BASAHIN:Essential oil use for children: A safety guide for parents
Best massage oils: Top 7 recommended massage oils to help you relax and de-stress
Essential Oils Para Sa Baby: Safe Ba Ito At Paano Gumamit?
Image from Organic Facts
Babala sa paggamit ng camphor o aceite de alcamporadoNgunit hindi tulad ng ating nakagawian, ay ipinapayo ng mga doktor na hindi ito ligtas gamitin sa mga batang 2 taong gulang pababa.
Dahil ito sa mga reports na may mga uri ng camphor oil ang nagdudulot ng seizures sa mga bata. Habang may ilang research ang nakapagsabi na ang pag-inom nito ay maaring maging life-threatening para sa mga toddlers.
Hindi rin ito ipinapayong gamitin ng mga buntis dahil sa ito umano ay maaring makapagdulot ng birth defects sa dinadala niyang sanggol. Ganoon rin sa mga nagpapasusong ina dahil sa maaring maamoy ito ng kaniyang sanggol.
Ito rin ay maaring magdulot ng allergic reaction sa mga taong hindi hiyang o may allergy rito. Kaya naman bago ito gamitin ay mas mabuti munang magtanong o kumonsulta muna sa doktor. O kaya naman ay magsagawa ng skin patch test. Gawin ito sa pamamagitan ng pagpapahid ng alcamporado sa iyong inner forearm at saka maghintay ng 24 oras kung may makikitang anumang reaksyon rito.
Ilan nga rin sa naitalang side effects ng aceite de alcamporado ay pamumula ng balat at irritation. Kaya naman hindi dapat ito ipinapahid sa balat na may galos o sugat. Dahil sa maaring maabsorb ng balat ang toxic levels nito.
Hindi rin ito dapat iniinom o ipinapasok sa bibig. Dahil sa ito ay maaring magdulot ng paghapdi ng bibig at lalamunan na maaring mauwi sa pagsusuka. Kapag ito ay nalunok ay maaring magdulot ito ng serious side effects na maaring mauwi sa pagkamatay.
Dapat ay iwasan rin itong gamitin ng may mga medical conditions na may kaugnayan sa liver o atay. Dahil sa ito ay nakakapagdulot umano ng liver damage. Hindi rin ito ipinapayong gamitin ng may mga epilepsy at asthma.
Karagdagang ulat mula kay Marhiel Garrote