Kapag first-time mommy ka, marami kang takot at pangamba sa kakayahan mo bilang ina at sa pag-alam kung may nakakaligtaan ka bang gawin para sa kalusugan at development ni baby. Pero ang totoo, sa araw-araw na pag-aalaga sa iyong munting anghel, unti-unti mo na ring malalaman at mararamdaman kung ano ang kailangan niya, at kung paano niya ito sinasabi sa yo, sa iyak pa lang niya. Unti unti mo na ring mararamdaman ang tiwala sa sarili pagdating sa pagiging mabuti at mapag-arugang ina.
Hanggang sa makaramdam ka ulit ng maliit na pagdududa—mababahala ka na naman. Ang karaniwang tanong: normal ba ang paglaki ng anak ko? May nakakaligtaan ba ko? Bago mo pa mamalayan, lumaki na ng lumaki ang pagdududang ito.
Paano nga ba malalaman ni mommy kung normal ang pag-unlad at paglaki ni baby? Para maibsan ang takot at kaba, narito ang ilang indicators o batayan na maaaring obserbahan sa unang taon ng isang bata. Hindi lang ito puro pisikal tulad ng pagsukat ng timbang at haba o laki ng sanggol. May mga mahahalagang milestones din na dapat malaman, tulad ng nagsisimulang motor at language skills, lalo na sa unang taong.
Ayon kay Teena Panga, Early Childhood educator, mabuti na alam ng mga magulang ang mga early childhood milestones na tinatawag, kasama na ang mga “first” sa buhay ng bata tulad ng pagsasalita, paglakad, at pag-upo. Dapat lang tandaan na hindi ito para sa pagkukumpara ng isang bata, sa iba. Ang bawat bata ay “unique” at indibidwal. Ang mga milestones ay para lamang maging batayan, pero hindi ito “exact” at “absolute”. Kwento ni Teacher Teena, bilang ina sa 4 na anak, ginusto niyang malaman ang milestones ng baby niya para alam niya ang progreso ng mga developmental stages ng kaniyang mga anak. “Kailangang mapagtuunan ng atensiyon ang pisikal, tulad ng gross at fine motor skills, at receptive at expressive language, cognitive, self-help/personal autonomy at socio-emotional—lahat ito ay mahalaga,” diin niya.
“Makakatulong na malaman ang milestones para magabayan at masuportahan ko ang bata na maabot ang mga kinakailangang mga kakayahan, upang siya ay maging isang independent at self-reliant na bata,” paliwanag ni Teacher Teena.
Mabilis ang development ng skills sa unang taon ng isang bata. Kapag alam ng mga magulang ang mga milestones ng baby sa panahong ito, makikita o mapapansin agad kung saan siya nahuhuli o nahihirapan. “Kung may pagkabahal, at nakikita ko na naiiba talaga ang kaniyang development kung ikukumpara ito sa ibang mga bata na kaedad niya, ito ay hudyat sa akin para magsaliksik at magtatanong sa mga guro, duktor o ibang mga magulang, para maghanap ng paliwanag o humingi ng tulong sa mga propesyonal,” dagdag ni Teacher Teena. Maagapan ang mabagal na pagdevelop ng pagkatuto at pag-unlad ng isang bata, kung sakali.
May mga bagay na dapat nang nagagawa sa nakatakdang edad, bagamat hindi ito nagiging eksakto para sa lahat. Pero dapat ding tandaan na bawat bata ay ay lumalaki at nagdedevelop ayon sa sarili niyang pace o oras. May limang kategorya ang development ng isang bata:
- Gross motor skills, tulad ng paggapang at paglalakad
- Fine motor skills, tulad nang paghawak ng sariling bote, mga maliliit na laruan, pagpisil o pagdutdot gamit ang daliri (sa pagkain, halimbawa)
Ang pisikal na aspeto ng paglaki ng bata, pangunahin na ang movement o paggalaw ay may sequence o pagkakasunud-sunod: Nadedevelop ang kakayahang gumalaw mula top o taas ng katawan papunta sa bottom o ibaba, at gitna palabas, papunta sa mga daliri sa kamay at paa. Ibig sabihin, nauunang naigagalaw ang ulo, mga mata, bibig, tapos ay leeg, katawan mga kamay, tapos ay mga binti, tuhod at paa, o paglakad ang huli. Kaya nga nauuna ang pagtaas ng ulo, pag-ikot at pagdapa, pag-upo, paggapang, saka pa lang ang paglakad. Nakokontrol ng sanggol ang large muscles bago ang small muscles. Sa gitna palabas, nauuna ang katawan, bago ang mga braso at binti, at huli ding nadedevelop ang galaw ng mga daliri.
- Language skills, kasama ang pagsasalita o pagbigkas ng mga tunog (karaniwang vowels), at pag-intindi (comprehension) na makikita sa interaksiyon niya sa mga adults at animo’y pakikipag-usap at pagsunod sa mga simpleng utos (Kunin mo ito, Laro tayo)
- Thinking o cognitive skills -Predictable din ang developmental sequence ng pag-iisip o thinking skills. Nauuna muna ang konkretong kaalaman o konsepto, mula sa paggamit ng kaniyang mga senses, bago tuluyang ma-develop ang abstract thinking.
- Social interaction – Pakikipaglaro sa iba, bata man o matanda
Bantayan ang mga sumusunod:
Childhood Milestones
2 buwan – Ngumingiti kapag naririnig ang boses ni mommy o daddy, at sinusundan ng tingin ang tinig na naririnig.
3 buwan – Itinataas ang ulo at dibdib kapag nakadapa, humahawak ng mga bagay, at ngumingiti sa ibang tao.
4 buwan – Gumagaya ng mga tunog o salita (bababa, mamama), tumatawa, kaya nang itayo ang sariling ulo nang walang tulong
6 buwan – Umiikot mula nakahiga padapa, bumabaligtad ng walang tulong, humahawak ng mga bagay mula sa isang kamay papunta sa isang kamay
7 buwan – Tumitingin kapag tinatawag ang pangalan, nakakahanap ng mga nakatagong bagay
9 buwan – Nakakaupo mag-isa, gumagapang, nagsasabi ng “mama” o “dada”
12 buwan – Naglalakad nang walang gabay, kayang magsabi ng isang salita o hgit pa, gumagaya sa mga nakikitang galaw o ekspresiyon ng mukha, o salita
PISIKAL
- Nagpapalit ka ng lampin o diaper ng 8 hanggang 10 beses sa isang araw, at bumibigat ang timbang ni baby.
Ang ibig sabihin nito ay sapat ang iniinom niyang gatas at nasa ang paglaki niya ay maayos at malusog, kahit may mga araw na mas kaunti ang iniinom niyang gatas. Madalas, ang inaalala ng isang nanay ay kung sapat ang gatas na naibibigay niya sa sanggol, kung nagpapasuso. Ang batayan? Dami ng basang lampin o diaper.
Paiba-iba ang dami ng gatas na iniinom ng isang bata sa bawat araw, pero hindi ito dapat ikabahala. Basta’t ang timbang niya ay bumibigat sa bawat buwan, ibig sabihin ay normal ang paglaki niya.
Siguraduhing regular ang pagpunta sa well-baby check-up buwan buwan para masundan ang paglaki ni baby.
- Nakakatulog na ng regular na oras, at hindi na masyadong umiiyak sa gabi, o kahit sa maghapon.
Habang lumalaon, umaayos na ang kaniyang sistema at routine—kaya’t makakatulog na si mommy at daddy ng mas mahimbing sa gabi. Mas marami na ang maikling pagtulog sa maghapon, at mas mahaba na ang oras ng tulog sa magdamag dahil nadedevelop na ang nervous system ni baby. Madalas na sa ika-4 na buwan ito makikita, pero meron ding nakakaya ito nang mas maaga dito.
- Nakakagalaw na siya ng walang gabay—nakakatayo, nakakaupo, nakakagapang, at iba pang paggalaw.
Lumalakas na kasi ang mga maliliit na muscles ni baby, kaya nadadala na niya ang sarili. Marami nang babies ngayon ang kayang itayo ang ulo ng walang tulong, kahit sandali lang. Ang payo ng pediatrician ko noon, idapa ang sanggol kahit sandali sa araw araw, dahil ito ang ehersisyo niya para sa leeg, ulo at baikat. Pagdating ng 3 hanggang 4 na buwan, kinaya na ng anak ko na itaas ang ulo kapag nakadapa sa kama, at kapag pinapadighay ko siya sa balikat ko.
Hayaan siyang maglaro-laro sa kama o kutson na nasa sahig para makapag-ehersisyo siya at tumibay ang muscles niya sa buong katawan, hindi puro upo sa carseat o higa sa crib. Ang tinatawag ng mga eksperto na Tummy Time (kung saan nakadapa siya, at nagpapaikot-ikot nang kaniya) ang isa sa mga pinakamahalagang ehersisyo para sa mga batang hanggang 1 taong gulang. Dito siya magsisimulang matutuong umupo, at pagkatapos ay hilahin ang katawan para tumayo, maglakad nang nakahawak sa upuan o riles ng crib, o kung anumang mahawakan niya—nang mag-isa at wala halos gabay ng magulang.
SOCIAL-EMOTIONAL AT LANGUAGE
- Kumakalma ang bata kapag hinahawakan mo, at naririnig ang boses ng kaniyang mga magulang.
Ang ibig sabihin nito ay may magandang relasyon ang bata sa kaniyang mga magulang. Kilala ng bata ang boses ni nanay at tatay, lalo na kung mula sa sinapupunan ay kinakausap na ito ng kaniyang mga magulang. Pagkapanganak, yakapin, kargahin, kantahan, kausapin ang sanggol, bawat pagkakataon na mayron para makilala niya ang kaniyang mga magulang at maramdaman ang pagmamahal. Ito ang makakapagpakalma sa kaniya sa mga pagkakataon na may nararamdaman siyang hindi mabuti. Ito rin ang nagpapatunay na may malalim nang relasyon ang nanay at tatay sa bata, at isang malinaw na hudyat maayos ang emotional development ni baby.
- Tumitingin siya sa nang direkta sa mata, ngumingiti, humahagikgik, at animo’y nakikipag-usap.
Ang ibig sabihin nito ay simple—siya ay masayahin at lumalaking may mahusay na social skills. Karaniwang nakikipag-eye contact ang isang bata pagdating ng unang buwang gulang. Dito na sunud-sunod lalabas ang pagtawa, pagngiti, paghagikgik, at iba pang social skills. Ang mga interaksiyon na ito ay nagpapakitang may koneksiyon na ang bata sa magulang at alam niya ang nangyayari sa paligid niya. Ilan din itong indicators ng maagang language development. Ang mga galaw, eye contact at facial expressions ang ebidensiya ng umuusbong na language development ng isang sanggol. Ang mga panimulang ingay na nakakaya na niyang gawin—bababa, dadada, ooooo—ay nagpapakita na sumusubok na siyang magsalita.
COGNITIVE
- Tumitingin sa ingay na naririnig—at nakikinig nang tahimik.
Umuunlad ang kaniyang pandinig o hearing, at ginagamit niya ang kaniyang pag-iisip para pag-aralan ang mga tunog na naririnig. Mula pagkapanganak ay marunong nang makinig ang mga sanggol, pero ilang linggo pa bago siya tuluyang makarinig nang malinaw. Unti unti rin niyang natututunan na ihiwalay ang mga ingay na may kahulugan at kabuluhan kaysa sa simpleng ingay lang. Musika ang magiging paborito ng isang bata, na galing sa mga laruan tulad ng mobile. Katutuwaan din niya ang mga musikang pinapatugtog ni mommy at daddy. Kapag napansing natutuwa siya at may positibong reaksiyon sa tugtog o tunog, dapat ding ikatuwa ito dahil ibig sabihin ay maayos ang hearing at cognitive development niya.
- Nakatitig sa mga kulay, galaw at patterns.
Umuunlad na rin kasi ang paningin o eyesight niya, na hudyat ng brain development ng sanggol. Ang eyesight ng isang sanggol ay nasa 20/100, at nakakakita lang sila nang mula 8 hanggang 12 inches ang layo. Pagdating ng ikalawang buwan, mas lumilinae na ang paningin, at mahuhuling tumititig sa mga makulay na laruan o bagay, at mga patterns na itim at puti. Hindi pa perpekto ang pagtingin sa mga kulay o pagtingin sa lalim, kaya nga makakabuting pakitaan ng mga bright at contrasting na mga kulay.
- Biglang tumatahimik ang bata at parang nakatitig sa isang bagay, o parang may iniisip, ilang beses sa isang araw.
Ang ibig sabihin nito ay pinag-aaralan niya ang kaniyang paligid, ang mundo, at masusi siyang nagmamasid. Maaaring puro iyak ang at pagpapakain ang maaalala ng mga magulang sa mga unang buwan ni baby. Pero sa oras na nadiskubre na niya ang paligid niya, dahil nakakakita na siya nang malinaw at nagagalaw ang mga mata, natututo na siyang magmasid—at ito ang paraan niya para matutunan ang lahat ng nasa paligid niya. Kaya siya natatahimik na lang bigla. Habang lumalaki, dumadami ang oras na gising siya, at dito siya nag-aaral ng kapaligiran niya gamit ang nadedevelop na kakayahan sa pagmamasid.
Ang bawat sanggol ay may sinusundang pansariling timeline ng paglaki at development. Predictable ito, pero ang mastery, depth at sequence ng mga ito ay depende sa maraming factors: puno ba ng stimulation at oportunidad sa pagkatuto ang kapaligiran? Nabibigyan ba ng sapat na nutrisyon ang bata? Sa huli, ang pagmamahal at pag-aaruga ang pinakamahalagang susi sa masaya at maayos na paglaki. May mga bagay na hindi natin makokontrol tulad ng genetics, medical history, at temperament, pero ang mahalaga ay pagtuunan ng pansin ang mga bagay na maiimpluwensiyahan natin.
Ang pag-intindi at pag-aaral ng mga developmental milestones ang makakatanggal ng takot at kaba sa ating dibdib. Kaya’t huminga ng malalim, relaks lang, mommy at daddy—at mag-enjoy sa bawat araw na kasama si baby.
SOURCES:
Baby Milestones: What to Expect and How To Stimulate Your Child’s Development from 0-3 Years ni Carol Cooper
Evidence-based milestone ages as a framework for developmental surveillance. Cara F Dosman, MD FRCPC FAAP, Debbi Andrews, MD FRCPC, at Keith J Goulden, MD DPH FRCPC. https://www.ncbi.nlm.nih.gov/pmc/articles/PMC3549694/
READ: 7 Adorable milestones that help you bond with your baby before age 2!
The post ALAMIN: Mga Importanteng Milestones ni Baby sa Unang Taon appeared first on theAsianparent.com Philippines | Modern Filipino parenting from a cultural and global perspective.